Umangat na nga ba ang Hip-Hop? Isang Opinyon.

Hip-Hop with Heart

Hip Hop with Heart at pagba-Balik-Tanaw

Noong isang gabi, nakita ko sa Facebook status ng isang taga-Hip Hop Industry ang katagang “#HipHopWithHeart – what does it mean to you?” nagkomento ako upang ipabatid kung ano para sa akin ang ibig sabihin ng mga salitang yaon. Nabasa ko din duon ang ibang reaksyon at saloobin ng iba pang mga kaibigan. Pinalitan ko ang tugtog sa aking iTunes at nagpatugtog ako ng mga Pinoy Rap na kanta. Sa aking koleksyon ay mayroong mga oldschool na Pinoy Rap. Pinakinggan kong muli, iba pa din talaga ang oldschool. Iba pa ding lumikha ang mga rapper noon, ang mga tunog noon. Mga grupo at rapper tulad ni Francis M, Masta Plann (Bring dat booty/ Is it tyme), Death Threat, Ghetto Doggs, IPK (Itim Pero Kayumanggi), Oblaxz, Chill, 4EastFlava, Sun Valley Crew, Madd Poets, BB Clan, 7 Shots of Wisdom, Chinese Mafia, Apokalipsis, Legit Misfit, Urban Flow, H-Bomb, K24/7 at iba pa. Nakikinig din ako kay Andrew E lalo na yung kantang Mahal Kita, Binibirocha, Oh Babe, Mas Gusto Mo Sya pero hindi ako naging fan ng “Humanap ka ng Panget” dahil napakadalas kong marinig yung kanta na yon dati saka gumawa si Bitoy (Michael V) dati ng sagot dun yung “Maganda ang Piliin“. Yun din para sa akin ang unang diss track na nadinig ko pero hindi direkta.

dead emcee

Koleksyon, Oldschool at “Dead Emcee Scrolls”

May mga koleksyon din ako ng mga CD, Tapes, M-Planet CDs at mga babasahin tungkol sa Hip Hop. Kinabukasan, naisipan kong maghanap ng mga naitago kong babasahin mapa-magazine o libro at isa sa mga nahalungkat ko ang aklat na “Dead Emcee Scrolls” ni Saul Williams. Binasa ko muli habang nagpapatugtog ako ng mga Pinoy Rap. Tumutugtog ang kantang “I Love Haters” ni D-Coy kasama si Lowkey Daboywonder. Naisip ko kailan kaya muling madidinig ang tunog Hip-Hop noong 90s, yung may DJ na nag-scratch sa Turntable (dati Technics lang ang kilala kong brand), yung may Samples, yung mga kantang meaningful ang lyrics. Napansin ko kasi ang mga rapper ngayon madalas ng magfocus sa flow pero kinakapos sa lyrics. Meron ding iba na mas gusto pa nilang magsalita kesa gumawa ng makabuluhang liriko. Mas gusto pa nilang bumatikos sa isang grupo kesa gumawa ng kanta. Siguro nakakain nila yun o yun na mismo yung career nila kasi madalas e. Malamang kumikita sila dun. Mas gusto pa nila ipagyabang ang pekeng katanyagan na akala nila natamasa nila pero di ba nila naisip na ang kahit anong katanyagan ay pansamantala lamang. Marami ng Artista ang sumikat at lumubog, gayun din sa Hip Hop. Nawawala na ang kababaan ng loob. Nawawalan na din sila ng respeto sa kapwa nila. Dati ang kaaway ng Hip Hop ay mga Punkista, ang nakakatawa pa nito e makikita mo din na nag-ga-grafitti sila kasi minsan katabi nung Tags ng Grafitti yung salitang “Punks Not Dead” pero ngayon Hip Hop at Hip Hop ang nag-aaway. Siguro kung alam lang nila kung ano ang hirap dati para ma-recognize ang Hip Hop siguro hindi sila aasta ng ganun. Sa karanasan ko sa paglalakbay sa underground mas saludo ako sa mga matatagal ng panatiko at beterano dahil sila ay mas mapagkumbaba, mas alam nila kung ano ang kahulugan ng salitang “Respeto” mas alam nila kung ano ang Hip Hop dahil naranasan nila kung gaano kahirap ipagtanggol ang Hip Hop. Dati ipagtatanggol mo ang Hip Hop dahil kinukutya ka ng lipunan lalo na kung madidinig mo ang salitang “Hip Hop Bulok” at minsan nga mababasa mo pa sa pader. Pero ngayon yung iba gumagawa ng imaginary enemy na kalaban kunwari ng Hip Hop. Sino nga ba ang kalaban ng Hip Hop? Yung iba ba o yung Hip Hop mismo? Sino ba ang yumuyurak sa Hip Hop? Hindi na siguro Punkista. Malamang si Bernardo Carpio kasi ang dami nyang tinapakan e, sa katunayan may tinatawag ngang “Bakas” sa may amin.

Umangat nga ba?

Maraming nagsasabi na umaangat ang Hip Hop ngayon pero nung nakaraang linggo galing ako sa SM at nagpunta ko sa record store. Ang nakita ko doon na album ng Rap ay album ni Gloc 9, Francis M at Andrew E. Wala man lang akong nakitang bago. Dati kapag sinabing rapper ka mataas ang tingin sa ‘yo ng mga tao dahil may album ka sa record store, may shows ka, guestings sa tv at tumutugtog sa radyo ang kanta mo. Binibili ng mga tagahanga mo ang musika mo, yung pisikal na album ha hindi downloaded. Pero ngayon kahit ako nagda-download na din, bumibili ako ng mga underground albums at yung iba nga sa mismong Production at Artists ko pa mismo nabibili pero hindi ako nagpapa-autograph ha. Yung una at huling autograph na nakuha ko ay mula pa kay Pikaso at DJ Rocky Rock noong nag-show sila sa SM Southmall na sponsored ng Dickies, ibang CD pa yun ha. Napaisip lang ako, totoo nga bang umaangat ang Hip Hop o nananaginip lang ako? Baka naman kasi sabik lang ako na muling makadinig ng tunog Hip Hop na nakagisnan ko. Ang sarap kasing balikan. Yung mga panahon na ang Hip Hop ay Hip Hop. Kayo? Umangat nga ba ang Hip Hop o baka marami na tayong nananaginip?

Hihiramin ko lang ang sinabi ni Andres Bonifacio na “Hindi mo pwedeng takasan ang hatol ng kasaysayan“, nabasa ko kasi ito doon sa “An Open Letter to Vic Sotto” ni Lourd De Veyra. Magandang pagkaing-diwa yun ha.